About DepEd

 October 10, 2025 9:18 AM    Fernando B. Enriquez


CHRISTIAN-MUSLIM FRIENDSHIP DAY


Sa layuning isulong ang kapayapaan, pag-unawaan, at pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba ng pananampalataya, ipinagdiwang ng Schools Division Office of Lipa City ang Christian-Muslim Friendship Day sa Padre Valerio Malabanan Memorial School noong Oktubre 10, 2025, na may temang “Pagkakaisa sa Pagkakaiba-iba, Pagdiriwang ng Magkakaparehong Pagpapahalaga.”
Dumalo sa makasaysayang pagtitipon si Sultan Faisal Benaning Bansao, ang Paramount Sultan ng Lalawigan ng Batangas, na nagbahagi ng makabuluhang mensahe hinggil sa kapayapaan at pagkakaibigan ng mga Kristiyano at Muslim. Binigyang-diin niya na sa kabila ng pagkakaiba sa kultura at pananampalataya, iisa ang adhikain ng bawat mamamayan—ang mamuhay nang may respeto, pagkakaisa, at pagmamahalan.
Sa kanyang talumpati, ipinaabot naman ni Schools Division Superintendent Felizardo O. Bolaños ang kanyang paghanga sa ipinakitang diwa ng pagkakaisa ng mga mag-aaral at guro mula sa Teodoro M. Kalaw Memorial School at Padre Valerio Malabanan Memorial School. Aniya, “Maaaring magkaiba tayo ng pinagmulan at paniniwala, ngunit iisa ang ating layunin—ang bumuo ng mapayapa at maunlad na pamayanan sa pamamagitan ng edukasyon.”
Ang programa ay naging makulay na selebrasyon ng kultura, musika, at sining na nagpapakita ng yaman ng pagkakaiba at ganda ng pagkakaisa. Ipinakita ng mga kalahok mula sa dalawang paaralan ang kani-kanilang talento sa mga pagtatanghal na may temang kapayapaan, pagkakaibigan, at pagkakaisa.
Sa pagtatapos ng gawain, nag-iwan ng inspirasyong mensahe si Sultan Bansao: “Ang tunay na pagkakaibigan ay hindi nasusukat sa pagkakapareho, kundi sa pagtanggap sa pagkakaiba.”
Ang Christian-Muslim Friendship Day ay naging patunay na sa lungsod ng Lipa, ang pagkakaiba ay hindi hadlang kundi tulay tungo sa pagkakaisa, paggalang, at kapayapaan.

ctto